Skip to main content

Maikling tanaw sa kasaysayan ng Navotas Fish Port


Published on

January 31, 2023

ANG NAVOTAS FISH PORT COMPLEX
(Ang Kasaysayan, Ang Bulungan, at kung bakit tayo Fishing Capital)
Noong pre-war ang punduhan o bagsakan ng bagong huling isda ay matatagpuan sa loob ng Estero de Vitas sa Velasquez, Tondo. Subalit, nang katatapos pa lamang ng digmaan, dahil sa mga itinayong tulay na Velasquez-Infanta Bridge at Balut Bridge na nagging sagabal sa pagpasok at paglabas ng mga kargahang bangka sa ilog na ito, ang punduhan ay inilipat sa Navotas, 14 kilometro mula sa Maynila patungong hilaga, sa mahabang baybayin sa tabi ng North Bay Boulevard na noong araw ay isang nag-isang highway sa dalampasigan. Makalipas lamang ang ilang taon, kasabay ng paglago ng industriya ng pangingisda sa bansa, ang punduhang ito ay kinilalang pinakamalaking fish landing sa buong Pilipinas.
Ang fish landing na ito ay di tulad ng fish port ngayon. Noon, ang mga lantsa ay walang daungan o pier kaya’t hindi nakalapit sa bagsakan ng isda na nasa buhangin ng tabing-dagat. Ang mga troll (trawl), basing, lantsa at iba pang malalaking sasakyang pangingisda ay umaangkla mga 300 metro mula sa baybayin at mula dooý nilalapitan ng mga Bangka kung saan isinasalin nang tiklis-tiklis ang mga isda. Ang mga bangkang ito na karamihaý pag-aari ng mga fish broker na may “puwesto”sa consignacion ang naghahatid ng mga isda sa punduhan (nang matapos ang WW2, nauso ang mga DUKW, mga ampibyan ng US Army surplus) . Ang mga “puwesto” sa punduhan noon ay mga kubol lamang na yari sa pawid at kawayan na magkakatabi kaya animoý isang mahabang palengke; nang maglaon ay naging yero na ang mga bubong. Dito nagaganap bentahan na kinakikitaan naman ng tinatawag na “bulungan”o ang pabulong na tawaran sa presyo ng isda. Dakong alas dos ng medaling araw ay nagsisimula na ang akitibidades sa punduhan. Ang mga consignotarios (commission fish brokers), mga may-ari ng lantsa o tauhan nila (fish producers), mga mamimili (fish buyers), at iba pang nagtratrabaho sa palengkeng ito ng isda ay nagkakaingay at di magkamayaw gabi-gabi sa pagbebenta, pamimili, at pagkakarga ng kanilang kalakal. Iba’t –ibang uri ng isda ang makikita rito, mula sa maliit na diako, hanggang sa malalaking barakuda; iba’t-iba rin ang mga sisidlan:tiklis, kanastro, bakol, banyera at iba pa. Mula sa punduhang ito sa Navotas, ang mga isda ay isinasakay sa karatela at dinadala sa malalapit na palengke, sa mga jeep naman kung sa Divisoria o ibang bahagi ng Maynila dadalhin, at sa mga trak kung ibibiyahe sa probinsya.
Mula 1949, nagkaroon ng boom sa commercial fishing sa ating bansa. Dahil dto, nagsagawa ang pamahalaan ng pag-aaral kung paano pa palalakasin ang nasabing industriya.Batay sa pag-aaral, anim na fishing harbour ang kailangang itayo upang tuluyang bumulusok paitaas ang fishing industry at sa gayo’y makatulong ng malaki sa ekonomiya ng bansa. Dahil sa istratehikong kinalulugaran nito, ang fish landing na binigyan ng prayoridad na maitayo ay yaong nasa Navotas (40% ng kabuuang bilang ng mga commercial fishing fleet sa buong bansa ay ditto humihimpil). Noong Hulyo 1970, ang Navotas Fishing Harbor Project, na inihanda ng fishery economic expert ng UN na si Dr. Z. Russek, ay tinanggap ng National Economic Council ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, at Setyembre ng taon ding iyon, pinagtibay ito ng Gobyerno. Nobyembre 1970 nang maganap ang Loan Agreement sa pagitan ng Gobyerno at ng Asian Development Bank na siyang maglalaan ng pondo para sa katuparan ng proyekto. Taong 1979 nang ganap na natapos ang Navotas Fishery Port Complex. 67 ektarya ang nasasakop, mayroong approach channel, breakwater, anchorage, mga pier, wharf at quay wall at isang Marcos-type fish market building , ang fishing harbor na ito na kayang maghimpil ng 400 hanggang 500 fishing vessel gabi-gabi ay kinilalang isa sa pinakamalaki sa buong Far East.
#Kasaysayan
#Bulungan
#FishingCapital
#LungsodNgNavotas
Source: Navotas: Kahapon, Ngayon at Bukas
Photo credits: PFDA-NFPC, Navotas PIO, Navotas_by_gregg_yan_70/google